CAUAYAN CITY- Mayroon nang sinusundang gabay ang mga kasapi ng Santiago City Police Office sa naganap na pagbaril at pagpatay sa isang lalaking sakay ng motorsiklong may kulong-kulong sa Mabini, Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Chief Insp. Rolando Gatan, Station Commander ng presinto uno ng Santiago City Police Office, ang biktimang si William Fabian, 37 anyos, may-asawa at residente ng barangay Batal ay maituturing na drug personality sa nasabing lunsod at kinakausap siya ng mga otoridad na sumuko noon sa oplan tokhang ngunit hindi sumuko.
Sa ngayon anya ang tinitignan nilang anggulo ay maaaring ang biktima ay ayaw pasukuin ng grupong kanyang kinabibilangan subalit hindi rin mawawala ang may kaugnayan sa away sa trapiko makaraang masagi ng kanyang motorsiklong may kulong-kulong ang isang van na kulay orange na sasakyan ng suspek.
Magugunitang ang biktima, kasama ang maybahay ay sakay ng motorsiklong may kulong kulong upang sunduin ang kanilang anak na nag-aaral nang masagi ng kaunti ang likuran ng kulay orange na sasakyan.
Dahil dito bumaba ang tsuper ng nasabing sasakyan at agad na binaril ang biktima.
Nakuha ng mga otoridad sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong bala ng baril at tatlong basyo ng bala ng baril.




