
CAUAYAN CITY – Nanungkulan na bilang mayor ng Maddela si Vice Mayor Rimel Tolentino matapos magbitiw si Mayor Florante ‘Pong’ Ruiz dahil sa kanyang karamdaman.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Local Government Operations Officer (PLGOO) Salvacion ‘Eva’ Baccay, sinabi niya na naghain ng resignation letter si dating Mayor Pong Ruiz noong September 8, 2020 at natanggap ng opisina ni Governor Dakila Carlo Cua noong September 10, 2020.
Ayon kay PLGOO Baccay, nagpasya si dating Mayor Ruiz na magbitiw para mapagtuunan ng pansin ang kanyang iniindang sakit.
Sa mga nagdaang buwan ay nauna na siyang naghain ng sick leave.
Ayon kay Baccay, nagbalik bilang mayor ng Maddela si Ruiz nang matapos ang kanyang termino sa pagkabise mayor kaya maikukunsidera ulit ito bilang kanyang unang termino.
Nanumpa na sina Vice Mayor Rimel Tolentino bilang mayor at ang unang Sangguniang Bayan member na si Atty. Junard Ramos bilang bise mayor.
Ang nabakante namang posisyon sa pagkasangguniang bayan member ay pinoproseso pa lamang kung sino ang papalit.
Kasabay ng pagbibitiw ni dating Mayor Ruiz ay nagbitiw din ang nasa co-terminus position na si Municipal Administrator Joel Badongen.




