Inilabas na ng Philippine National Police (PNP) ang medico-legal report sa pagkamatay ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Maria Catalina Cabral, kabilang ang kumpletong forensic at DNA examination.
Ayon sa PNP, kumpleto na ang 3D scan ng ravine sa Tuba, Benguet, kung saan natagpuan ang katawan ni Cabral noong Disyembre 18, 2025. Ang autopsy report ay nagpakita na namatay si Cabral dahil sa blunt traumatic injuries sa ulo, katawan, at kaliwang bahagi ng braso at binti sanhi ng pagbagsak mula sa taas bandang alas-3 hanggang alas-5 ng hapon.
Kumpleto na rin ang PNP sa fingerprint examination, histopathology exam, at DNA examination ni Cabral. Naitala rin na dati siyang gumagamit ng antidepressant medication. Pinatotohanan ng municipal doctor ang kanyang pagkamatay sa tabing Bued River noong Disyembre 19.
Matatandaang si Cabral ay naugnay sa kontrobersiya ng mga flood control projects at nagsampa ng pagbibitiw sa DPWH noong Setyembre 2025 habang isinasagawa ang imbestigasyon ng kongreso sa umano’y anomalya at kickbacks na kinasasangkutan ng ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno. Bago ang kanyang kamatayan, nakatakdang i-refer ng Department of Justice (DOJ) sa Ombudsman ang plunder case laban sa kanya at iba pang DPWH officials.











