CAUAYAN CITY – Dinakip at sasampahan ng kaso ang mag-ama na bumaril at pumatay sa isang lalaki na pagbintangang nagnakaw ng kanilang manok sa Sta. Rosa, Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Station 2 ng Santago City Police Office (SCPO), ang biktima ay si Bernandino Taboro, 24 anyos, may-asawa habang ang mag-amang suspek ay isang 39 anyos magsasaka at anak na 17 anyos, pawang residente sa nabanggit na lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj Roderick Guiyab, hepe ng Presinto Dos na batay sa kanilang pagsisiyasat, ang mag-amang suspek ay nawalan ng isang alagang manok sa kanilang kulungan at pinaghihinalaan nila ang biktima.
Nakita umano ng mag-ama ang biktima na nasa balkonahe ng kanilang bahay at nagawang i-corner.
Gamit ang Caliber 38 na baril ay pinaputukan ng menor de edad na suspek si Taboro ng tatlong beses na tinamaan sa paa, likod at batok malapit sa tainga na naging sanhi ng kanyang kamatayan
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa ama ng biktima na si Ginoong Mario Taboro, desidido siyang sampahan ng kaso ang mag-ama para makamit ang hustisya pagkamatay ng kaniyang anak.
Sinabi umano sa kanya ng anak bago malagutan ng hininga na wala siyang kinalaman sa pagkawala ng manok ng mag-ama.
Ayon pa kay Ginoong Taboro, sa harap mismo nilang mag-asawa pinagbabaril ng pinaghihinalaan ang kanilang anak .
Ipapasakamay sa pangangalaga ng DSWD ang menor de edad na pinaghihinalaan habang dinala sa SCPO custodial facility ang kanyang ama .





