--Ads--

Tutol ang mga abogado ng mga biktima ng drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa panibagong hakbang ng International Criminal Court (ICC) Registry na muling suriin ang eligibility ng mga biktimang pinayagang lumahok sa paglilitis.

Sa isang public redacted filing na inilabas nitong Nobyembre 17, hiniling ng Common Legal Representatives for the Victims (CLRV), na kinabibilangan nina Gilbert Andres, Joel Butuyan at Paolina Massidda, sa Trial Chamber III na linawin ang umiiral na proseso ng partisipasyon ng mga biktima, kabilang ang mga bagong aplikante.

Kasunod ito ng naging desisyon ng ICC noong Oktubre 9 na nagpapahintulot sa Office of the Prosecutor na isama sa Trial Brief ang Incidents 50 hanggang 56, ngunit ibinasura ang Incident 57 dahil hindi ito saklaw ng panahong nakasaad sa mga kasong isinampa laban kay Duterte.

Dahil dito, hiniling ng ICC Registry na muling suriin ang ilang aplikasyon ng mga biktima ng drug war, matapos matukoy na may hindi bababa sa 13 aplikasyon na sumasaklaw sa 16 sa kabuuang 539 na biktimang pinayagang lumahok sa paglilitis na posibleng hindi pasok sa saklaw ng kaso.

--Ads--

Ayon sa mga abogado, maaaring mawalan ng dating kinilalang procedural status at karapatang lumahok sa paglilitis ang mga biktimang maaapektuhan ng naturang hakbang, gayung wala pang pormal na desisyon ang Pre-Trial Chamber I o Trial Chamber III na nag-aalis sa kanilang awtorisasyon.

Ibinahagi rin ng mga abogado na labis na naapektuhan ang ilang biktima nang malaman nilang posibleng magbago ang kanilang katayuan sa kaso.

Giit ng isa sa mga biktima, buhay ng kanilang mga mahal sa buhay ang nakataya at hindi dapat balewalain ang sinapit ng kanilang mga pamilya.