--Ads--

CAUAYAN CITY – Dismayado ang mga atleta sa Batanes sa pagkansela ng gaganapin sanang Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) meet 2020 ngayong Pebrero.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Eduardo Escorpiso, Schools Division Superintendent ng DepEd Batanes, sinabi niya na bagamat naiintindihan nila ang naging desisyon ng Department of Education (DepEd) na pagkansela sa mga nakatakdang palaro ngayong buwan ng Pebrero ay nalungkot sila pangunahin na ang mga atleta.

Sa katunayan aniya ay mayroon pang mga umiyak sa kanilang mga atleta nang sabihin nila na naipagpaliban ang CAVRAA meet 2020 gayunman ay nagpapasalamat din sila dahil para naman ito sa kaligtasan ng kanilang mga atleta.

Ayon pa kay Dr. Escorpiso, ang inaalala lamang nila ngayon ay ang kanilang naibayad sa Philippine Airlines dahil nakapagpabooked na sila at siguradong malaki ang maikakaltas kung ipakansela nila ang kanilang ticket.

--Ads--

Lumapit aniya sila sa mga lokal na opisyal ng Batanes at nangako naman umano ang mga ito na tutulungan silang magbigay ng resolution sa management ng Philippine Airlines.

Nakatakda sana silang bumiyahe sa February 17 patungong Clark at Clark patungo naman sa Cauayan Airport.

Ayon pa kay Dr. Escorpiso, 67 ang lahat ng kanilang delegado bukod pa sa mga lokal na opisyal ng Batanes na pupunta rin sa palaro.

Sa ngayon ay pinauwi muna nila ang kanilang mga atleta na naka-in house training at aabisuhan na lamang kapag matutuloy na ang naantalang palaro sa rehiyon.

Tinig ni Dr. Eduardo Escorpiso, Schools Division Superintendent ng DepEd Batanes.