--Ads--

CAUAYAN CITY – Naglunsad ng Black Day protest ang nasa 90% ng mga empleyado ng Pamahalaang Bayan ng Cabataun, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Mayor Bernardo Garcia sinabi niya na maging siya ay kaisa sa Black Day protest matapos na hindi maaprubahan ng Sanguniang Bayan ang kanilang 2024 proposed budget.

Aniya, dahil sa hindi ito naaprubahan ay nagbabadya ang re-enacted budget kung saan mananatili ang kasalukuyang pondo ng lokal na pamahalaan.

Apektado dito ang nakabinbing 25% increase sa sahod ng kanilang mga manggagawa.

--Ads--

Batay sa Local Government Code na pagkasumite ng proposed budget ay may siyamnapung araw ang Legislative Branch na gumawa ng resolusyon.

Nilinaw din niya na pinadalhan ng imbitasyon ang lahat ng Sanguniang Bayan Members sa ginawang pagpupulong ng Local Development Council.

Sa ngayon ay hinihintay niya ang magiging tugon ng Sanguniang Bayan kung bakit hindi inaprubahan ang kanilang 2024 budget.

Samantala, sinagot naman ni Vice Mayor Charlton Uy ang ilang katanungan kung bakit hindi inaprubahan ang 2024 budget ng Local Government ng Cabatuan.

Aniya malinaw naman na magkahiwalay ang mandato ng Executive at Legislative Branch, sa katunayan aniya ay nagpadala sila ng sulat sa lahat ng mga Department Head para sa gagawing pagdinig para sa proposed budget, subalit wala umanong dumalong Department Heads.

Karapatan aniya ng Legislative Branch na kwestiyunin ang mga Department Heads kung saan ilalagay ang pondo.

Maliban pa sa ilang discrepancies na nakita sa proposed solar lights project  mula Barangay Luzon hanggang Barangay Magdalena na nagkakahalaga ng 46,000 pesos bawat isa.