--Ads--

Aaksyon ang lokal na pamahalaan ng Cauayan City upang mailigtas at mailagay sa ligtas na lugar ang mga gumagalang indibidwal na may problema sa pag-iisip, lalo na tuwing may paparating na kalamidad tulad ng bagyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pilarito Mallillin, hepe ng Public Order and Safety Division (POSD), sinabi niyang isa ito sa mga isyung tinalakay sa Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) ng lungsod bilang bahagi ng paghahandang pangkaligtasan ng lahat, kabilang na ang mga may mental health condition.

Ayon kay Mallillin, bilang bahagi ng humanitarian action ng lungsod, ikinokonsidera nilang dalhin sa Regional Mental Hospital ang mga gumagalang indibidwal na may problema sa pag-iisip. Ito ay upang matiyak ang kanilang kaligtasan at upang hindi na rin mangamba ang pamahalaang lungsod sakaling tamaan ng malakas na bagyo ang lugar.

Matatandaang noong nakaraang taon, isang residente ng Barangay Minante 2 ang naidala sa Mental Hospital, at ayon sa POSD, maaari ring gawin ito sa iba pang indibidwal na kasalukuyang pagala-gala sa lungsod.

--Ads--

Dagdag pa ni Mallillin, inaalam na rin nila ang pagkakakilanlan ng mga pamilyang may kaanak na may mental health condition. Hinikayat nila ang bawat pamilya na magtalaga ng dalawang miyembro upang asikasuhin ang pagpapagamot ng kanilang kaanak.

Para naman sa mga pamilyang tumatangging dalhin sa ospital ang kanilang kaanak, pinaaalalahanan sila ng pamahalaan na bantayang mabuti ang kanilang kaanak at huwag hayaang lumabas ng bahay tuwing may masamang panahon.

Bilang bahagi ng contingency plan, bubuksan din ang City Hall bilang pansamantalang matutuluyan ng mga may espesyal na pangangailangan sakaling kasagsagan ng bagyo.

Hinimok din ng POSD ang publiko na agad ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan ang anumang impormasyon ukol sa mga gumagalang indibidwal na may problema sa pag-iisip upang agad itong matugunan.