--Ads--

Nilinaw ng Isabela Electric Cooperative o ISELCO 1 na epekto ng malakas na pag-ulan ang naranasang pagspark ng ilang kable ng kuryente sa Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Serrano, Area Supervising Engineer ng ISELCO 1, sinabi niya na ibang-iba na ang nararanasang pag-ulan ngayon kumpara sa mga nagdaang taon.

Ngayon, kapag umulan ay tila may bagyo na dahil sa sinasabayan ito ng malakas na hangin at pagkulog-pagkidlat na nakakaapekto sa mga kable ng kuryente at mga transformers ng kooperatiba.

Dahil sa lakas ng hangin ay may mga naputol na sanga ng punongkahoy na sumabit sa mga kable ng kuryente at nagdulot ng pagspark.

--Ads--

Nilinaw naman niya na ang nangyaring pagspark ng transformer sa Cauayan City ay hindi dahil sa overloading.

Aniya ilang araw nang walang overloading ng kuryente sa kanilang nasasakupan dahil nagsimula na ang rainy season at may mga bumaba na ang konsumo sa kuryente.

Ang mga nagkaroon ng isyung linya ng kuryente sa Cauayan City at Reina Mercedes ay naayos naman na umano ng mga technician na 24 oras ang operasyon sa ganitong sitwasyon.

Pinaalalahanan naman niya ang mga member consumer-owners o MCOs ng ISELCO 1 na kung may mga makitang sanga ng puno na sumabit sa mga kable ng kuryente ay agad na ipabatid sa kanilang tanggapan upang mapuntahan ng mga technician at maayos o matanggal.

Nagbabala naman siya na huwag basta-basta tanggalin ang mga ito dahil maaring magdulot ng panganib dahil sa kuryente na dumadaloy dito.