--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpaabot ng pakikiramay ang mga malalapit na kaibigan ni Sanguniang Panlungsod Member Pandong Lugod ng Lungsod ng Santiago.

Matatandaan na kagabi, Marso 29 ay napaulat ang biglaang pagpanaw ng naturang konsehal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Edwin Cabanos, ang hepe ng Department of Public Order and Safety, sinabi niya na kasalukuyang nagsasagawa ng meeting de avance ang grupo ni SP Lugod para sa kanilang pangangampanya sa Barangay Calao East nang bigla na lamang siyang nag-collapse.

Agad naman siyang naisugod sa pagamutan at sinubukan pa siyang-revive ngunit binawian din ito ng buhay pagkalipas ng ilang sandali.

--Ads--

Napag-alaman na bago mag-collapse ang naturang konsehal ay nag-iwan pa ito ng mensahe sa mga Santiagueño at nagawa pa nitong sumayaw para magbigay ng aliw sa lahat ng mga dumalo sa naturang pagtitipon.

Pagkatapos umano nitong mag-perform ay dito na siya nag-collapse.

Maaari umanong napagod sa pagsasayaw si SP Lugod kaya bumigay ang katawan nito lalo na at mayroon siyang sakit sa puso.

Ayon kay Cabanos, ikinalulungkot nila ang pagpanaw ng naturang opisyal lalo na at matagal niyang nakasama ito sa paglilingkod sa lungsod.

Aniya, aktibo ang naturang opisyal sa pakikilahok sa anumang aktibidad sa kanilang Lungsod at pala-ngiti rin ito kaya hindi mahahalata sa kaniyang awra na mayroon itong iniindang karamdaman.

Dedicated umano sa trabaho at hindi rin aniya ito nag-aatubiling magsabi kung mayroon siyang nakitang mali o kapuna-puna sa serbisyo ng kaniyang kasamahan pangunahin na sa kanilang hanay sa DPOS at ito umano ang hinahangaan niya sa naturang lider maliban na pa sa pagiging matulungin nito.