CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang ginagawang pamamahagi ng Department of Agriculture Region 2 ng mga food packs sa mga apektadong magsasaka sa Lambak ng Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng DA Region 2, sinabi niya na ang mga ipinapamahagi nilang tulong ay mula sa donasyon na nalikom ng DA Employees Association.
Nasa 500 food packs na aniya ang naipamahagi nila kahapon sa mga apektadong magsasaka sa bayan ng Sta. Ana at Gonzaga, Cagayan.
Ngayong araw naman ay namahagi sila ng mahigit 1,000 libong food packs sa bayan ng Buguey, Aparri at Sta. Teresita Cagayan.
Inahahanda naman na nila ang mga farm inputs na ipapamahagi sa mga magsasaka na mula sa kagawaran ng pagsasaka ngunit mas prayoridad nilang maghatid sa ngayon ng agarang tulong pangunahin na ang pagkain.
Inaasahan namang madadagdagan ang bilang ng mga apektadong magsasaka sa pananalasa ng bagyong Marce.
Pinayuhan naman niya ang mga magsasaka na mag-resgister sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang matiyak na mayroon silang makukuhang tulong kapag napinsala ang kanilang mga pananim dulot ng kalamidad.