Aminado ang mga lokal na opisyal ng San Mateo, Isabela na nahihirapan silang ipatupad ang curfew hours para sa mga kabataan.
Ito ay kasunod ng insidente ng paninira ng grupo ng mga kabataan sa mga halamang itinanim ng LGU-San Mateo sa paligid ng pampublikong pamilihan.
Sa isang post ng netizen, ibinahagi ang mga larawan at screenshot mula sa CCTV footage na nagpapakita sa mga kabataang sangkot umano sa paninira ng nasabing proyekto.
Ayon kay Barangay Kapitan Rogelio Dunca ng Barangay 3, takot din ang mga opisyal na masampahan ng kasong pag-abuso sa kabataan, dahil madalas ay nagsusumbong ang mga bata kapag sila ay hinawakan o pinipilit na pauwiin o dalhin sa barangay hall.
Iminungkahi niya na dapat patawan agad ng parusa ang mga magulang ng mga batang lumalabag sa curfew hours, sa pamamagitan ng multa o community service, upang matuto at magkaroon ng disiplina.
Inamin din ni Kapitan Dunca na kulang sa bisa ang kasalukuyang ordinansa dahil na rin sa umiiral na mga batas na nagbibigay-proteksyon sa karapatan ng mga kabataan.











