Tiniyak ng pamahalang lokal ng Brgy. San Fermin Cauayan City na binibigyang aksyon na ang mga nararanasang pagbaha sa kanilang nasasakupan dahil sa mga nararanasang malalakas na pag-ulan sa lungsod.
Matatandaang ilang residente ang nagreklamo dahil sa mga pagbahang naranasan sa nasabing barangay pangunahin na sa Airport Road.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Reynaldo Perez ng San Fermin Cauayan City sinabi niya na patuloy ang pagsasaayos ng pamahalaang lungsod sa mga drainage canals sa kanilang nasasakupan.
Pinapatawag ng pamahalaang lokal katuwang ang engineering office ang mga residenteng apektado upang mabigyan sila ng pagkakataong sabihin ang kanilang hinaing.
May mga project proposal naman na aniya ang City Government sa mga purok na binabaha.
Humingi naman siya ng pasensya sa mga residente dahil hindi naman nila maaring pabilisin ang operasyon ng mga contractor dahil nakadipende naman ang mga ito sa bumababang pondo mula sa pamahalaan.
Nanawagan din siya sa mga residente na maging disiplinado sa pagtatapon ng basura dahil bumabara ang mga ito sa drainage canals at nagdudulot ng pagbaha.