Tiniyak ng Department of Agriculture o DA Region 2 ang tulong sa mga magsasakang naapektuhan ng shearline.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Technical Director Robert Busania ng DA Region 2, sinabi niya na dahil sa mga pagbahang epekto ng Shearline ay nasira ang nasa 16,156 hectares ng tanim na palay sa rehiyon.
Umabot naman sa 7,144 ang totally damaged na palayan habang nasa 9,012 hectares ang partially damaged.
Karamihan sa mga pananim na palay na nasira ay mula sa lalawigan ng Cagayan at ang mga nasira ay mga bagong transplant at mga nasa vegetative stage na.
Ayon kay Ginoong Busania, nakaipon ang DA Region 2 ng mahigit tatlong libong hybrid at inbred rice seeds na maipapamahagi sa mga apektadong magsasaka.
May isang libong binhi rin na galing sa buffer stock ng Region 3 ang nakatakdang ipamahagi ng ahensya.
Tiniyak ng DA Region 2 na tuluy-tuloy ang pag-iipon ng kagawaran ng mga binhing ipapamahagi sa mga magsasaka na bagamat hindi na maibabalik ang ang kabuuang lugi ng mga ito sa mga nasira nilang pananim ay mabibigyan sila ng kaunting panimula sa muling pagtatanim.