Maliwanag pa sa sikat ng araw na isinasakripisyo na ng pamahalaan ang kapakanan ng mga magsasaka upang mapanatiling mababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Federation of Free Chairman of the Board Leonardo Montemayor, sinabi niya na pangunahing prayoridad ngayon nina Sec. Ralph Recto at Sec. Go ang pagpapababa ng presyo ng basic commodities, na siya namang nagsasakripisyo sa pangangailangan ng mga magsasaka.
Halimbawa, noong Hulyo 2025 ipinatupad ang EO 62 na nagbaba ng taripa sa imported rice mula 35% tungo sa 15% para sa ASEAN rice, habang ang India at Pakistan rice na dating may taripa na 50% ay ibinaba rin sa 15%.
Batay sa Pangulo, layunin nitong mapababa ang presyo ng bigas sa merkado. Subalit, ayon kay Montemayor, hindi naman ito nangyari dahil nanatiling mahal ang bigas at walang naging pagbaba sa presyo. Gayunman, bumaba ang kita ng mga magsasaka dahil sa bagsak na presyo sa world market.
Ayon sa grupo, nagkaroon ng over-importation dahil sa halip na 2.6 million metric tons lamang, ay umabot sa doble ang pumasok.
Hanggang sa ngayon, below production cost pa rin ang presyo ng palay at nananatiling lugi ang mga magsasaka.
Kung matatandaan, sa susunod na taon ay aalisin na ang import ban subalit ipapatupad ang calibrated tariff na wala pa ring malinaw na ginhawa para sa mga magsasaka.
Dahil dito, panawagan nila ngayon kay Pangulong Marcos ang pagkakaroon ng economic manager na palaban—hindi lamang nakatuon sa pagpapababa ng presyo ng bilihin sa pamamagitan ng importasyon, kundi nakatuon din sa kapakanan ng mga magsasaka.










