Patuloy ang panlulumo ng mga magsasaka sa bayan ng Tumauini, Isabela dahil sa matinding pinsalang idinulot ng El Niño sa kanilang mga pananim, kung saan marami ang nangangambang tuluyan nang mawalan ng ani kung magpapatuloy ang matinding init at kakulangan ng ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Romnick Gaspar, isang magsasaka mula sa Tumauini, sinabi niyang nasa 50% na ng kanilang mga taniman ang labis na naapektuhan ng matinding tagtuyot. Aniya, karamihan sa mga sakahan sa kanilang lugar ay rain-fed o umaasa lamang sa tubig-ulan, kaya’t mabilis na natutuyo ang mga pananim sa tuwing walang sapat na pag-ulan.
Ayon kay Gaspar, unti-unti nang nalalanta ang kanilang mga pananim at nangangamba silang tuluyang masayang ang kanilang pinaghirapan at puhunan kung hindi agad mabibigyan ng solusyon ang nararanasang tagtuyot. Bukod sa pagkawala ng inaasahang ani, sinabi niyang malaki rin ang magiging epekto nito sa kabuhayan ng maraming pamilyang umaasa lamang sa pagsasaka bilang pangunahing pinagkukunan ng kita.
Dahil dito, patuloy ang kanilang panawagan sa mga kinauukulan na agarang magbigay ng kaukulang tulong at suporta sa mga apektadong magsasaka. Kabilang sa kanilang mga kahilingan ang agarang pagsasagawa ng cloud seeding sa kanilang lugar upang magkaroon ng sapat na pag-ulan at mailigtas pa ang natitira nilang mga pananim. Umaasa rin ang mga magsasaka na mabibigyan sila ng tulong pinansyal at iba pang assistance upang makabangon mula sa pagkalugi na dulot ng El Niño.











