Iginiit ng Department of Agriculture (DA) na patuloy na makakatanggap ng benepisyo ang mga magsasaka na myembro ng Irrigators Association at iba pang rehistrado sa RSBSA.
Ang nabanggit na asosasyon ay ang samahan ng mga rice farmers sa isang barangay, ito ay ang mga pinapatubigan ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS).
Ayon sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, nilinaw niya na hindi dahil myembro ng Irrigators Association ay diskwalipikado na ito sa pagtanggap ng voucher, binhi, o abono mula sa tanggapan ng DA.
Paglilinaw pa niya, hindi rin dahil myembro ng nasabing asosasyon ay otomatiko na silang makakakuha ng benepisyo mula sa DA. Kahit aniya kabilang ang isang magsasaka sa Irrigators association ay kailangan pa rin nilang mag apply sa RSBSA kung nais nilang makatanggap ng full access sa mga benepisyo.
Hindi rin naman aniya magiging problema kung parehong hindi myembro ng Irrigators Association at RSBSA ang isang magsasaka dahil nangangahulugan lamang ito na hindi nila kailangan ang mga benepisyo ng DA.
Dagdag pa ni Engr. Alonzo, ang isang magsasaka na mayroong lupain sa isang barangay ay otomatiko ng myembro ng asosasyon at hindi na niya kailangan pang mag apply dahil wala naman itong requirements, ngunit kung may sarili namang waterpump ang magsasaka ay hindi na nito kailangan pang sumali sa IA dahil ang mga kabilang lamang dito ay ang mga pinapatubigan ng NIA-MARIIS.
Samantala, hinikayat pa ni Engr. Alonzo ang mga magsasaka na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan kung sakaling nais nila na makatanggap din ng abono, binhi, at iba pang voucher.