CAUAYAN CITY– Pinulong ng pulisya ang mga negosyante sa Cauayan City dahil sa umano’y ilan sa kanila ay nakakatanggap ng mensahe ng pangingikil ng mga kasapi ng New Peoples Army (NPA)
Pinangunahan ni P/Supt Narciso Paragas, hepe ng Cauayan City Police Station ang naturang pulong at natuklasan na nasa dalawang negosyante ng lunsod ang umano’y nakatanggap ng mensahe mula sa nagpapakilalang kasapi ng NPA .
Nagsanhi ito ng pagkabahala sa maraming negosyante kaya’t agad silang humingi ng tulong sa pulisya.
Sa nasabi ring pulong ay inisa-isa ni P/Supt Paragas ang modus ng mga umano’y kasapi ng NPA.
Ayon sa paglilinaw ng naturang hepe, hindi mga NPA ang mga nagpapadala ng mensahe sa mga negosyante sa halip ay gawain lamang ng ilang grupo na nais manakot upang maibigay ng kanilang hiling o demand.
Paliwanag pa ni Supt. Paragas na sa kanilang monitoring na posibleng may kaugnayan ang mga nauna nang insidente ng pagkatok-katok sa mga bahay ng umano’y kasapi ng NPA noong mga nagdaang buwan ang dahilan ng pagpapadala ng mensahe sa mga negosyante.
Posible umanong pansamantalang tumigil ang nasabing grupo at gumawa ng panibagong modus sa pamamagitan ng pagpapakilalang NPA upang makapambiktima ngayong Kapaskuhan.
Pinayuhan din ng opisyal na agad na makipag-ugnayan sa kanilang hanay sakaling may kahalintulad na insidente upang agad matugunan.




