
CAUAYAN CITY – Pinag-aaralan na ng pamahalaang Malaysia ang pagpapalawig sa ipinapatutupad na lockdown.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Mely Delizo, Overseas Filipino Worker (OFW) sa Penang, Malaysia, sinabi niya na mahigpit na ipinaiiral ang lockdown dahil inaaresto ang mga lumalabas sa kanilang mga bahay na hindi importante ang dahilan.
Aniya, sa nakalipas na anim na araw ay walang panibagong kaso ng COVID-19 sa Penang subalit hindi isinasantabi ng pamahalaan ng Malaysia ang pagpapalawig sa lockdown hanggang matapos ang Hari Raya Aidilfitri, isang religious holiday ng mga Muslim sa buwan ng Mayo dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Kuala Lumpur.
Nababahala si Ginang Delizo sa pagsasara ng mga remittance centers sa Penang dahil hindi makapagpadala ng pera sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas ang mga tulad niyang OFW na walang sariling bank account.
May mga samahan aniya ng mga Filipino sa Malaysia ang nagbibigay ng tulong tulad ng relief goods sa mga OFW na apektado “no work no pay” at sa mga nawalan ng trabaho dahil sa lockdown.










