Nababahala ang mga opisyal ng baranggay Old, San Mariano matapos na umabot na sa dalawamput-limang pamilya o halos limampung indibiduwal ang dinala sa pagamutan dahil sa pananakit ng tiyan, pagduduwal, at pagdudumi.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Fernando Pabroa, residente ng Sitio Caunayan barangay Old, San Mariano na sinusuri na ng mga sanidad at mga doctor kasama si baranggay Kapitan Rodolfo Ancheta ang mga balon na pinagkukuhanan ng tubig kung saan natuklasang malapit sa mga itinatali nilang mga kalabaw.
Bagamat may mga gumagaling sa sakit ay dumarami pa rin ang bilang ng na-oospital.
Nakikiusap naman si Barangay Kagawad Pabroa sa kanyang mga kapurukan na panatalihing malinis ang kanilang kapaligiran.
Samantala, sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo kay Punong Barangay Rodolfo Ancheta, sinabi nito na sa pagpunta nila sa nasabing purok ay nakita din nila ang kalagayan ng mga balon na pinagkukunan ng mga residente ng kanilang inuming tubig.
Mababa aniya ang mga hukay ng mga balon at may mga piggery malapit sa mga balon.
Umaasa si Kapitan Ancheta na maaayos ang suliranin sa kanyang barangay sa tulong na rin ng mga doctor at sanidad sa bayan ng San Mariano na nangakong tututukan ang naturang problema.