CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng kilos protesta ang mga Pilipino sa Lebanon upang ipanawagan ang pagtanggal sa alert level 3 sa nasabing bansa.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Sang Nunag, kahit walang tao sa embahada ng Pilipinas sa Lebanon ay isinagawa pa rin nila ang rally upang maipaabot ang kanilang mga hinaing.
Aniya wala ang Ambassador sa lugar kung saan sila nagrally at sa tanggapan na nagpoproseso ng passport sila naglabas ng hinaing sa pamahalaan.
Magkaiba rin kasi aniya ang tirahan ng Ambassador at mismong embahada kaya wala silang permit na magsagawa ng protesta sa harap ng kanyang tirahan.
Nasa halos isandaang pinoy naman ang nakibahagi sa rally dahil nahati ang mga tao na ang iba ay nagtungo sa streetdance competition habang nagprotesta naman ang iba.
Patunay lamang umano ito na walang unity ang mga Pilipino sa Lebanon.
Iginiit niya na hindi dapat ilagay sa alert level 3 ang Lebanon patungkol sa limitasyon sa pagpasok ng mga OFW maging ang repatriation dahil sa nangyayaring giyera ng Lebanon at Israel.
Aniya matagal nang panahon ang giyera kaya hindi dapat inilagay sa alert level 3 dahil sa maraming pilipinong nais na makauwi ng Pilipinas ang mawawalan ng tiyansang makabalik dahil sa nasabing abiso.
Mawawalan na ng trabaho ang mga pilipinong uuwi lalo na kung hindi aakuin ng employer ang kanilang pagbabalik sa Lebanon sa pamamagitan ng pagdaan sa karatig na bansa.
Hindi naman umano malawakan ang gulo dahil sa hilagang bahagi lamang ng bansa nagkakaroon ng putukan ang magkabilang panig kaya hindi dapat inilagay ng Department of Foreign Affairs o DFA ang alert level 3.