Tiniyak ng bagong Fire Marshall ng Cauayan City Fire Station na ipagpapatuloy niya ang mga proyekto at programa na iniwan ng kanyang predecessor matapos ang reshuffle sa pamunuan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni FCINSP. Roger Esteban na kabilang sa plano ni dating Fire Marshall Francis David Barcellano ang pagtatayo ng substation sa forest region ng lungsod. Aniya, nakausap na rin niya ang alkalde ng lungsod tungkol sa proyekto sa isang courtesy visit.
Giit ng bagong fire warden, mahalaga ang mabilis na response time, lalo na kapag may sunog. Ngunit kinikilala rin niya ang ilang hamon sa lungsod, tulad ng trapik at pagbaha, na maaaring makaapekto sa pagbiyahe ng mga fire trucks, lalo na sa Alicaocao Bridge kapag mataas ang tubig.
Ayon pa kay FCINSP. Esteban, hinihintay na lamang nila ang pormal na direktiba ng LGU at ang opisyal na lokasyon kung saan itatayo ang nasabing substation upang masimulan ang proyekto.









