Nagbago at magbabago pa ang mga programa ng Office of the Senior Citizen Association o OSCA para sa mga erderly dahil sa kakulangan ng pondo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Edgardo Atienza Sr., Head ng Office of the Senior Citizen Association, sinabi niya na nabawasan ang Internal Revenue Allotment o IRA ng Pamahalaang Lunsod matapos ang pandemya kaya nabawasan din ang kanilang budget.
Mula sa dating mahigit na anim na milyong piso ay nasa limang milyong piso na lang sa nagdaang taon.
Kaya naman ang mga ibinibigay na mga giveaways o pang-regalo sa mga nagdaan ay hindi na isasagawa.
Sa mga nagdaang taon ay nagbigay ang OSCA sa mahigit labindalawang libong miyembro ng hygiene kit, bigas, at mga groceries subalit hindi na isasagawa dahil sa kakulangan ng pondo.
Sinabi pa ni ginoong Atienza na bago ang pandemya ay may mga birthday party na inilalaan para sa mga birthday celebrants of the month ni Cong. Inno Dy para sa mga lolo at lola, pero natigil din ito.
Nakatakda namang ibigay ang buwanang pensyon ng mga senior citizen sa susunod na linggo.
Hindi naman aniya masisisi ang bagong City Mayor dahil baka pinag-aaralan pa nito ang mga mas magandang hakbang para sa OSCA.
Umaasa naman si Ginoong Atienza na maaprubahan ang lahat ng kanilang inihaing proposal lalo na sa budget ng kanilang tanggapan sa susunod na taon.
Tiwala naman sila na suportado ng bagong mayor ang mga programa para sa mga senior citizen ng lungsod.