--Ads--

CAUAYAN CITY – Papatawan ng parusa ang mga kasapi ng Presinto Uno ng Santiago City Police Office na naka-duty at natakasan ng isang menor de edad na nasamsaman ng marijuana.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Senior Supt. Percival Rumbaua,City Director ng SCPO na ipinatawag niya ang mga pulis na naka-duty at pinagpaliwanag sa kung paano nakatakas ang 16 anyos na binatilyo.

Lumabas sa kanilang pagsisiyasat na maluwag ang posas na ginamit sa binatilyo kaya nakatakas.

Humingi na rin ng formal letter of explanation sa mga nasabing pulis na kanyang pag-aaralan.

--Ads--

Kapag napatunayang nagpabaya ang mga pulis ay bibigyan niya ng kaukulang parusa.

Sa paghahanap ng pulisya sa posibleng pupuntahan ng suspek ay natagpuan siya sa isang ilog malapit sa kanilang bahay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa menor de edad, naisipan umano niyang tumakas dahil sa takot na makulong.

Ito rin umano ang unang pagkakataon na gumamit siyang ng ilegal na marijuana na nakuha niya sa kanyang mga kaibigan.

Ayon pa sa kwento ng suspek, maluwag ang kanyang posas at nakatulog umano ang nagbabantay sa kanya kaya’t kinuha ang pagkakakataon upang tumakas.