Nilinaw ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na ang pagkakaaresto at pagkakadetine ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands ay bunga ng mga reklamong isinampa ng mga biktima ng madugong kampanya kontra ilegal na droga at hindi dahil sa umano’y pakikialam ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa kanyang vlog pinabulaanan ni Castro ang akusasyon ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na may kinalaman si Pangulong Marcos sa pagkakaaresto ng kanyang ama.
Ipinaalala ni Castro na inaresto si dating Pangulong Duterte noong Marso 11, 2025 sa tulong ng Interpol kaugnay ng kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya sa ICC.
Ang pahayag ni Mayor Duterte ay ginawa sa ginanap na National Assembly ng Partido Demokratiko Pilipino-Laban (PDP-Laban), kung saan sinabi niyang nakipagtulungan ang ilang awtoridad sa isang administrasyong aniya’y kumikilos na parang sindikato sa pagdadala sa kanyang ama sa ICC.
Bilang tugon, sinabi ni Castro na hindi sana umabot sa ICC ang kaso kung walang mga biktima at reklamong naisampa laban sa dating pangulo. Aniya, “walang napatay, walang biktima, walang magkakaso, walang kaso, walang ICC, walang The Hague.”
Iginiit din ni Castro na hindi dapat sisihin ni Mayor Duterte si Pangulong Marcos sa sinapit ng kanyang ama dahil ang ugat ng kaso ay nagmula umano sa mga pangyayaring naganap sa panahon ng kanyang administrasyon.
Binanggit din ni Castro ang naging pahayag ni retired Col. Jovie Espenido na nagsabing naging pinakamalaking Organized Criminal Group umano ang Philippine National Police noong panahon ng war on drugs. Hinikayat naman niya si Mayor Duterte na huwag isisi sa kasalukuyang administrasyon ang mga alegasyong kaugnay ng mga aksyon ng kanyang ama noong siya pa ang pangulo.










