Kinakadenahan ng Public Order and Safety Division (POSD) ang mga sasakyan na naka-park sa gilid ng daan na nagdudulot ng obstruction sa mga kalsada sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na ang ganitong hakbang ay paraan upang madisiplina ang mga motorista na hindi nakasusunod sa mga umiiral na panuntunan.
Aniya, dahil sa ipinagbawal na ng Department of Transportation (DOTr) ang pag-kumpiska sa driver’s license ng mga traffic violators ay naisipan nilang kadenahan na lamang ang sasakyan ng mga ito.
Kapag hindi pa natubos ng may-ari ang kanilang sasakyan sa pagkakakadena nito sa loob ng isang oras ay ipapa-tow na ito ng kanilang hanay upang hindi na makaharang pa sa daraanan.
Ang pinakamababang multa ay para rito ay ₱500 para sa first offense.
Mayroong 20 kadena ang POSD na ibinigay ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City na ginagamit ng kanilang hanay araw-araw para sa mga sasakyan na naka-illegal parking.










