--Ads--

Naantig at napaluha ang ilang tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nang kumaway at ngumiti ito sa kanila bago isara ang kurtina sa public gallery sa ikaapat na status conference ng kaniyang kaso sa International Criminal Court (ICC) nitong Martes sa The Hague, Netherlands.

Ikalawang beses nang personal na humarap si Duterte sa ICC courtroom mula nang arestuhin noong Marso 2025. Huli siyang personal na dumalo sa status conference noong Setyembre 16.

Kabilang sa mga dumalo sa public gallery ang kaniyang mga tagasuporta, mga kinatawan ng human rights organizations, international media at mga grupong nananawagan ng pananagutan sa mga pagpatay kaugnay ng kampanya kontra droga sa bansa.

Isa sa mga nagtungo sa The Hague si Gin, isang tagasuporta ni Duterte na bumiyahe nang siyam na oras mula Germany upang makita siya nang personal.

--Ads--

Sa loob ng courtroom, tinalakay ng prosecution at defense ang mga dokumentong may kaugnayan sa 3,400 pagkamatay sa mga operasyon ng pulisya. Kinuwestiyon ng depensa ang proseso ng pagsusuri sa mga rekord, habang iginiit ng prosecution na sinuri ng mga analyst ang mga dokumento sa ilalim ng pangangasiwa ng mga abogado.

Tinalakay rin sa status conference ang mga paghahanda para sa paglilitis na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30, kabilang ang mga pahayag ng magkabilang panig at paglalahad ng mga ebidensya at testigo.

Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay na iniuugnay sa kaniyang kampanya kontra droga. Itinatanggi niya ang mga paratang laban sa kaniya.