CAUAYAN CITY- Nagreklamo ang ilang mga tricycle drivers at ilang senior citizens matapos dumagsa ang mga ito sa FL Dy Coliseum makaraang mabalitaang mayroong namamahagi ng bigas para sa mga I-Rise beneficiaries ngunit bigong makakuha dahil hindi pa naman scheduled release.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Aida Valencia, sinabi niya na noong huwebes pa sila pumipila sa dating POSD Office para sa libreng bigas ngunit ng dahil hindi sila nabigyan ay pinabalik na lamang umano sila ngayong araw.
Alas otso pa lamng ng umaga ay nagsidagsaan na sila ngunit wala naman umanong namamahagi ng bigas at pinababalik na naman sila sa susunod sa huwebes.
Ayon sa mga tricycle drivers na naroon, malaking kawalan para sa kanilang hanap buhay ang pabalik balik para sa libreng bigas ngunit tila pinapa-asa lamang umano sila.
Samantala, paliwanag naman ng Public Employment Services Office Cauayan na hindi pa scheduled ng pamamahagi o release ng rice subsidy para sa mga beneficiary.
Ayon sa nasabing pamunuan na sa ika-27 pa ng hunyo ang nakatakdang release ng rice subsidy at gaganapin ito sa FL Dy Colisuem.
Aminado naman sila na namahagi sila ng bigas noong huwebes sa ilang mga tricycle driver na malapit sa lugar ngunit napilitan lang umano silang mamahagi sapagkat nabasa ang mga bigas nang ideliver ito sa lunsod ng Cauayan.
Ngunit limitado lang umano ang mga napamahagian ngunit nagulat na lamang sila ng magsidagsaan ang iba pang mga tricycle drivers kayat sinabihan umano nila ang mga ito na bumalik na lamang sa mismong araw ng pamamahagi.