--Ads--

Nagkasundo ang iba’t ibang sektor sa isang consultative meeting na itaas ang minimum na pamasahe ng mga tricycle sa Lungsod ng Cauayan dahil sa nararanasang serye ng pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. Pillarito Mallilin, Chief ng Public Order and Safety Division, binanggit niyang dinaluhan ang naturang pulong ng mga kinatawan mula sa Sangguniang Panlungsod, mga tricycle operators at drivers, business sector, mga paaralan, at mga estudyante sa pangunguna ng City Vice Mayor.

Batay sa naging desisyon ng grupo, itatakda na sa ₱25 ang minimum na pamasahe sa loob ng poblacion mula sa dating ₱20, habang mananatili naman sa ₱20 ang singil para sa mga estudyante at senior citizens bilang bahagi ng kanilang kaukulang diskwento.

Para naman sa mga biyaheng lalampas sa itinakdang sakop ng poblacion, napag-usapan na magkakaroon ng karagdagang singil kada kilometro.

--Ads--

 Binigyang-diin ni Mallilin na dapat magkaroon ng maayos na negosasyon at pag-uusap sa pagitan ng driver at pasahero tungkol sa presyo bago bumiyahe upang maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan o alitan.

Paalala pa ng opisyal, hindi dapat tumanggi ang mga driver na magsakay ng pasahero dahil obligasyon nila bilang public utility drivers na maghatid ng serbisyo sa publiko sa lahat ng pagkakataon.

Sa kasalukuyan, hinihikayat ng Public Order and Safety Division ang parehong panig na sumunod sa mga bagong alituntunin sa pamasahe at panatilihin ang maayos na pakikipag-ugnayan sa isa’t isa.

Layunin ng hakbang na ito na balansehin ang pangangailangan ng mga driver na kumita sa gitna ng mahal na gasolina at ang kakayahan ng mga komyuter na bayaran ang serbisyo nang patas at makatwiran.