--Ads--

CAUAYAN CITY – Arestado ang isang menor de edad matapos magnakaw ng motorsiklo sa Brgy. Don Mariano Marcos, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt Junia Bogbog, ang tagapagsalita ng Bayombong Police Station, sinabi niya na ang nadakip ay si alyas Rulich, labing pitong taong gulang na Estudyante.

Una rito ay nagtungo sa kanilang himpilan ang biktimang si Fittz Gerald Sanchez Estrella, 21 taong gulang, binata, estudyante, at residente ng Brgy. Don Mariano Marcos, Bayombong, Nueva Vizcaya para iulat ang pagkawala ng kaniyang motorsiklo.

Ayon sa biktima, ipinarada niya ang motorsiklo sa National Highway, Brgy. District IV, Bayombong, Nueva Vizcaya partikular sa harap ng SMU male dormitory kung saan naiwan niya maging ang susi.

--Ads--

Nang balikan niya ang lugar kung niya ito ipinarada ay dito na niya natuklasang nawawala ang motorsiklo.

Sinubukan pa niyang hanapin ang motorsiklo subalit hindi niya ito nakita kaya nagpasya siyang humingi ng tulong sa pulisya.

Matapos matanggap ang ulat ay naglabas ang Bayombong Police Station ng flash alarm upang alertuhan ang mga kalapit na himpilan ng pulisya at nagsagawa rin sila ng pagsisiyasat.

Makalipas ang isang araw ay nahanap ng Pulisya ang motorsiklo sa pangangalaga ni Alyas Rulich na agad namang ipinasakamay sa WCPD ng Bayombong Police Station para sa tamang disposisyon at dokumentasyon.

Ayon umano sa menor de edad, ipinasakamay lang sa kanya ang motorsiklo subalit hindi naman nito mabanggit kung sino ang nagpasakamay sa kanya.