--Ads--

Patapos na ang ginagawang paghahanda ng mga organizers para sa nalalapit na Miss Tourism Philippines na gaganapin sa Lungsod ng Cauayan.

Inaasahan na sa darating na Oktubre 10, magsisidatingan na sa lungsod ang 23 opisyal na kandidata mula sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang ang tatlong kinatawan mula sa lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay May Ann Astrero, isa sa mga organizers ng patimpalak, sinabi niyang may inilaang mga sasakyan ang City Local Government of Cauayan para sa transportasyon ng mga kandidata habang sila ay nasa lungsod.

Ayon pa kay Astrero, bagama’t nakapagsagawa na sila ng mga beauty pageant noon, ito ang kauna-unahang national pageant na kanilang naorganisa. Sa katunayan, umaabot na sa tatlo hanggang apat na buwan ang naging paghahanda nila para sa Miss Tourism Philippines.

--Ads--

Bilang isang dating beauty queen, ibinahagi rin ni Astreto ang kanyang payo sa mga kandidata: “Mag-enjoy lamang at magtiwala sa sariling kakayahan habang lumalahok sa patimpalak.”

Bilang Social Media Head ng Miss Tourism 2025, abala rin siya sa promosyon ng national pageant, at siya rin ang nakaatas sa pagpapadala ng mga liham sa mga sponsors.