
CAUAYAN CITY – Natukoy na ang mga individual na nagpunta sa punerarya na pinaglagakan sa bangkay ng isang ginang na nasawi sanhi ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag, sinabi niya na tanging ang asawa at kasambahay ng nasawing pasyente ang nagpositibo sa COVID-19 habang hinihintay pang maisailalim sa swab test ang pitong miyembro ng banda at tatlong kawani ng punerarya.
Isasailalim din sa re-swab test ang mga kamag-anak na nagtungo sa punerarya at sumama sa sementeryo kung saan inilibing ang ginang dahil sa panibagong exposure ng mga ito sa kaniyang asawa.
Ang nasawing pasyente ay sumasailalim sa dialysis treatment sa isang Dialysis Center sa Anao, Cabagan nang makaramdam ng panghihina sa katawan.
Dinala siya sa St. Paul Hospital sa Tuguegarao City subalit idineklarang dead on arrival.
Isinailalim ang bangkay sa antigen test at lumabas na positibo kaya isinailalim sa RT-PCR test.
Ayon kay Atty. Binag, nakiusap ang pamilya ng nasawing pasyente na maiuwi ang bangkay nito sa Cabagan, Isabela upang doon hintayin ang resulta ng kaniyang swab test.
Bagamat pinayuhan ang punerarya sa mga ipinapatupad na protocol ay may ilang kamag-anak ng ginang ang nagtungo sa naturang punerarya.
Nagawa ring mabendisyunan ng pari ang bangkay ng nasawing COVID-19 patient.
Kalaunan ay napaulat ang pagkakaroon ng banda sa sementeryo kung saan inilibing ang pasyente.
Muling ipinaliwanag ni Atty. Binag na ipinagbabawal pa rin ang pagsasagawa ng prusisyon kung may patay alinsunod sa inilabas na kautusan ni Gov. Rodito Albano at sa resolusyong inilabas ng IATF.




