Kinumpirma ni National Security Adviser Eduardo Año na ang Mongolian national na naaresto sa Zambales ay sumailalim sa pagsasanay bilang jet fighter pilot ng People’s Liberation Army ng China.
Sinabi pa nito na si Boldbaatar Bold-Erdene ay may aktual na koneksyon at nagsilbi sa Chinese military.
Itinago nito ang kaniyang military background para makapag-enroll bilang aviation student.
Magugunitang inaresto ang 30-anyos na si Bold-Erdene noong Pebrero 12 sa isang aviation school sa Iba ,Zambales.
Dagdag pa ni Año na ang hindi pagsabi ng katotohanan ay isang seryosong paglabag sa immigration laws ng bansa.
Hindi rin aniya tugma ang mga pahayag nito kung bakit ito nasa military location sa Zambales at kung ano ang tungkulin nito sa bansa.
Inaresto siya ng Bureau of Immigration matapos na magsagawa ng aerial photography ng paliparan sa Iba, Zambales at ang kalapit na Palauig River noong ito ay nagsagawa ng flight exercises.
Tiniyak ni Año na ang sinumang mga dayuhan na gaya ng ginawa ng Mongolian national na naaresto ay kanilang papatawan ng mabigat na kaparusahan.





