--Ads--

CAUAYAN CITY – Papaigtingin ng Cauayan City Fire Station ang monitoring at information dissemination sa  ibat-ibang baranggay matapos  makapagtala ng dalawang magkasunod na sunog.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Senior Fire Officer III Benjamin Amistad Jr., Deputy City Fire Marshall ng Cauayan City Fire Station na  kasama sa kanilang Fire Intervention and Prevention Program ang pagbibigay ng impormasyon sa mga dapat at hindi dapat gawin ng mga residente.

Ibabalik nila ang Oplan Ligtas Cauayan na minsan ay nahinto dahil  sa pandemya at banta  ng COVID 19.

Aniya, dalawa ang pangunahing sanhi ng mga sunog sa lunsod tulad ng mga depektibong  electric wires at mga nakasaksak na home appliances.

--Ads--

Naiiwan ang  mga kagamitang nakasaksak sa kuryente at  karamihan dito ay  mga octopus wires na  kadalasang pinagmumulan ng sunog.

Nais din ng City Fire Station na bumuo ng Community Fire Auxiliary Group na magiging katuwang ng mga Bombero  sa pagtugon  kung may magaganap na sunog.

Ang mga opisyal ng  baranggay  at baranggay tanod ang bubuo ng Community Fire Auxiliary Group.

Sila ang magiging first responders kapag may sunog sa mismo nilang barangay para maiwasan ang mabilis na pagkalat ng apoy at para maiwasan ang mas malaking pinsala na iiwan ng sunog.

Isa sa mga ituturo nila ang tamang pag-apula ng apoy o sunog gamit ang fire truck, gayundin ang fire extiguisher at bucket relay.

Hinihikayat din nila ang lahat ng mga opisyal ng barangay sa Lungsod na makibahagi sa mga training at lectures kasama ang mga nasa  pribado at pampublikong establisyemento lalo na  ang mga business owners na nagbabalak magbenta o magbenta  ng mga Electric Christmas decors gayundin ang mga paputok para sa pasko at bagong taon.

Dagdag pa ni Deputy Fire Marshall Amistad, hindi sila nagkukulang sa pagpapaalala at pagbibigay impormasyon sa mga mamamayan upang makaiwas sa sunog.