CAUAYAN CITY- Naghigpit ang pamunuan ng pampublikong pamilihan ng Ilagan upang maiwasan ang pagpasok ng African Swine Fever o ASF sa Lungsod.
Ito ay kaugnay sa pagkakatala ng panibagong kaso ng ASF sa ilang bayan sa lalawigan ng Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gerry Manguira, City Public Market Administrator ng City of Ilagan, sinabi niya na ibinalik nila ang ginagawa nilang monitoring noon kung saan mayroong mga inspector sa mga entrance at exit ng pamilihan.
Batay sa kanilang monitoring ay wala pa namang naipasok na karne ng baboy sa pamilihan na apektado ng naturang sakit.
Hinahanapan din nila ng NMIS permit ang mga ipinapasok na frozen meat upang matiyak na hindi ito gawa sa karne na apektado ng virus.
Madali lang naman aniyang tukuyin ang karne ng baboy na may ASF at tiniyak niya na walang sakit ang mga baboy na kinakatay sa mga slaughter house na isinusuplay sa pamilihan.
Hinihingi naman niya ang kooperasyon ng publiko pangunahin na ang mga nasa entrance at exit ng Lungsod ng Ilagan upang masiguro na walang maipasok na mga baboy at frozen meats na maaaring magdala ng ASF sa Lungsod.