Paiigtingin ng binuong task force sa Lungsod ng Cauayan ang pagmomonitor sa mga gasolinahan matapos makatanggap ng ulat hinggil sa hindi pagsunod ng ilang gasoline station sa ipinatupad na rollback sa presyo ng produktong petrolyo kaninang umaga, pangunahin na ng diesel.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. Pilarito Mallillin, Chief ng Public Order and Safety Division, sinabi niya na magsasagawa sila ng mga surprise monitoring upang makita kung nasusunod ng mga gasolinahan ang itinakdang pagbabago sa presyo.
Aniya, may mga impormasyong nakakarating sa kanilang tanggapan na may ilang gasolinahan umano na nagbababa lamang ng presyo isang araw matapos ang itinakdang rollback.
Binigyang-diin niya na mahigpit itong ipinagbabawal at maaaring humantong sa pagpapasara ng establishimento kapag napatunayang may paglabag.
Sa oras aniya na makumpirma sa sa kanilang pag-iikot at beripikasyon ang mga naturang sumbong ay agad silang maglalabas ng showcause order laban sa mga gasolinahang hindi sumusunod sa regulasyon.
Nanawagan naman si Mallillin sa mga may-ari ng gasolinahan na sumunod sa mga itinakdang patakaran upang maiwasan ang anumang aberya o kaparusahan.










