CAUAYAN CITY – Patay ang isang tsuper ng motorsiklo matapos bumangga at makaladkad ng isang trailer truck sa Nagcuartelan, Aritao, Nueva Vizcaya.
Ang nasawi na tsuper ng motorsiklo ay si Carlito Malia, 31 anyos at residente ng Cutar, Aritao habang ang tsuper ng trailer truck ay si Erwin Baccay, residente ng Alibadabad, San Mariano, isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt Florentino Mawirat, hepe ng Aritao Police Station, sinabi niya na unang bumangga ang motorsiklo sa likurang bahagi ng sinusundang Sport Utility Vehicle (SUV).
Nawalan ng kontrol sa manibela si Malia at bumangga sa paparating na trailer truck at nakaladkad ng ilang metro.
Isinugod sa ospital si Malia subalit namatay dahil sa malubhang sugat na tinamo ng kanyang katawan.
Halos maihiwalay umano ang kamay ng biktima dahil sa malakas na impact ng kanyang pagkabangga.
Photo credit: Aritao Police Station












