--Ads--

CAUAYAN CITY – Dumulog sa Himpilan ng Bombo Radyo Cauayan si Ginang Jenilyn Alonzo ng Amistad, Alicia, Isabela upang ipanawagan ang nawawalang motorsiklo ng kaniyang anak.

Ang naturang motorsiklo ay kulay gray na Mio 125 at pagmamay-ari ni Jaymark Alonzo na residente ng Amistad, Alicia, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jenilyn Alonzo, sinabi niya na ipinarada nila kagabi ang motorsiklo sa harapan ng pintuan ng kanilang Bahay.

Nang gabing iyon ay nakita umano ng pamangkin ng kaniyang manugang na may tumangay sa motorsiklo at agad naman nitong ipinaalam sa kaniyang ina ngunit hindi na nila naabutan pa ang pinaghihinalaan.

--Ads--

Hindi lang aniya motorsiklo ang nawala kundi pati na din ang Cellphone ng kanilang kapitbahay.

Mayroon namang gate sa kanilang bahay ngunit hindi umano ito nakasara nang maganap ang insidente.

Aniya, magli-limang taon na ang motorsiklo at ginagamit ito ng kaniyang anak kapag siya ang nagtutungo sa trabaho.

Mayroon naman na silang hinala kung sino ang tumangay sa kanilang motorsiklo at maaari umanong mula rin ito sa kanilang Barangay.

Nanawagan naman siya sa kumuha ng motorsiklo na ma-konsensya at ibalik na ito sa kanila.

Kung sinuman aniya ang nakakita nito ay ipag-bigay alam na lamang sa Pulisya o sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan.