--Ads--

CAUAYAN CITY – Sugatan ang apat na katao sa banggaan ng truck at van sa Pambansang Lansangan na nasasakupan ng Purok Villanueva, Barangay Antonino, Alicia, Isabela.

Ang mga sangkot ay ang isang Isuzu Truck Van na minamaneho ni Marlon De Guzman, 49 anyos at residente ng San Vicente, Jones, Isabela at isang Nissan Urvan Escapade Van na minaneho naman ni Javier Ong, 56 years old, at residente ng Compania, Tumauini, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Alicia Police Station, lumalabas sa pagsisiyasat na nakaparada ang truck sa outer lane ng northbound direction nang bigong mapansin ito ng paparating na van, kaya’t bumangga ito sa likurang bahagi ng truck.

Dahil sa tindi ng banggaan, nagtamo ng mga sugat ang driver ng van na si Javier Ong, pati na ang kanyang mga pasahero na sina Rubilyn Ong, isang negosyante, at ang mga helper na sina Jacinto Laman at Jr Abaya na mula sa Tumauini, Isabela.

--Ads--

Naging pahirapan naman ang pagtanggal sa ilang sakay ng van dahil sa pagkakaipit mula sa nayuping harapang bahagi nito.

Samantala, hindi naman nasaktan sa insidente ang driver ng truck na si Marlon De Guzman.