Isang patunay na hindi hadlang ang pagdududa at kakulangan ng interes sa simula upang makamit ang tagumpay ang kwento ni Engr. Seth Patrick Bacani matapos niyang masungkit ang Top 8 sa Civil Engineering Licensure Examination.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Bacani, inamin nitong hindi niya unang pinangarap ang kursong Civil Engineering dahil rekomendasyon lamang ito ng kanyang ama at wala siyang ideya noon tungkol sa naturang larangan.
Ayon sa kanya, naging hamon ang pag-aaral lalo na’t dumaan siya sa mga personal na pagsubok tulad ng pagkadismaya sa hindi pagkapanalo sa mga kompetisyon noong kolehiyo, gayundin ang pagiging “heartbreak” niya sa mga pagkakataong hindi siya nagtagumpay.
Dagdag pa niya, dumating din sa punto na hindi agad natuloy ang kanyang pag-enroll sa review center kaya kinailangan niyang humabol sa mga lektura at magdoble-kayod sa paghahanda para sa ikalawang pagkakataon ng pagkuha ng board exam.
Ikinuwento rin niya na habang inilalabas ang resulta ng pagsusulit ay abala siya sa paglalaro ng online games nang sabihin ng kanyang kapatid na siya ay pumasa. Sa una ay nakaramdam siya ng lungkot dahil inakala niyang hindi siya nakapasok sa topnotchers, isang layunin na matagal na niyang inaasam.
Ngunit laking tuwa niya nang malaman na siya ay nasa Top 8, dahilan upang siya ay mapasigaw at mapatalon sa labis na kasiyahan.
Aminado si Engr. Bacani na bago pa man lumabas ang resulta ay inakala niyang maliit na ang tsansa niyang makapasok dahil sa mga naging karanasan niya habang kumukuha ng exam, subalit patuloy pa rin siyang nanalangin at umasa na makapasa, isang bagay na itinuturing niyang himala nang ito ay mangyari.
Bilang isang DOST scholar, plano ni Bacani na manatili muna sa Pilipinas upang magtrabaho at mag-apply sa malalaking engineering firms upang makakuha ng karanasan sa kanyang propesyon.
Sa huli, nagbigay siya ng payo sa mga nagnanais maging inhinyero na aralin ang trend ng board exam, unawain ang konsepto at hindi lamang basta pagsagot sa problema, palawakin ang kaalaman, at higit sa lahat ay huwag kalimutang manalangin.
Nagpasalamat din siya sa Diyos, sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at mga guro na naging katuwang niya sa kanyang tagumpay.







