--Ads--

Muling ipatutupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang Service Contracting Program upang alalayan ang mga driver ng public utility vehicles o PUV na lubhang apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, pormal nang humiling ang kagawaran ng P1 bilyong pondo mula sa Department of Budget and Management para sa target na implementasyon ng programa sa darating na Abril 15, 2026.

Ang hakbang na ito ay bunsod ng sunod-sunod na oil price hike simula nang sumiklab ang digmaan sa Iran noong Pebrero 28, na nagresulta sa limitadong operasyon ng ilang pampublikong sasakyan.

Sa ilalim ng programang ito, bibigyan ng lingguhang subsidiya ang mga driver base sa layo ng kanilang ibiniyahe sa piling mga ruta sa Metro Manila at iba pang urban areas upang matiyak ang tuloy-tuloy na biyahe ng mga commuter.

--Ads--

Saklaw ng programa ang mga bus sa EDSA, gayundin ang mga jeepney na bumibiyahe malapit sa mga istasyon ng LRT at MRT at iba pang pangunahing transport hubs sa kalakhang Maynila.

Bukod sa Metro Manila, ipatutupad din ang naturang subsidiya sa Davao City, Cagayan de Oro City, at iba pang malalaking lungsod sa bansa.

Unang ipinakilala ang service contracting noong 2020 sa ilalim ng Republic Act No. 11494 bilang tugon sa epekto ng pandemya. Sa pamamagitan ng muling pagbuhay sa programang ito, inaasahan ng LTFRB na mapapagaan ang pasanin ng mga driver at maiiwasan ang kakulangan ng masasakyan ng publiko sa gitna ng nararanasang krisis sa presyo ng langis.