Nasayang ang malaking bentahe ni Alex Eala matapos siyang pataubin ni world No. 23 Jelena Ostapenko, 6-4, 7-5, sa Round of 16 ng Linz Open sa Austria nitong Miyerkules.
Sa kabila ng magandang simula, hindi nagawang tapusin ng Pinay tennis star ang laban na tumagal ng isang oras at 43 minuto. Ito ang unang pagkakataon na tinalo ng Latvian player ang Pinay tennis star sa tatlong beses nilang paghaharap sa tour.
Naging madulas ang panalo para kay Eala, lalo na sa ikalawang set kung saan hawak na niya ang 5-1 lead. Isang game na lamang ang kailangan niya para madala ang laban sa ikatlong set, ngunit nagpakitang-gilas ang beteranong si Ostapenko at sunod-sunod na kinuha ang anim na dikit na games upang tuluyang isara ang laban.
Ayon kay Ostapenko, aminado siyang mahirap na kalaban si Eala at masaya siya na natatalo na niya ngayong taon ang mga players na hindi niya nadaig noon.
Hindi ito ang unang pagkakataon sa laban na nakawala ang abante ni Eala dahil maging sa unang set ay liyamado na siya sa score na 4-2, bago muling humabol si Ostapenko. Sinabi ng Latvian champion na sinubukan niyang gawin ang lahat para makuha ang set at hindi na bigyan ng pagkakataon si Eala na makaporma pa.
Bigo si Eala, na kasalukuyang rank No. 46, na maulit ang kanyang mga tagumpay laban kay Ostapenko noong nakaraang taon sa Miami Open at Eastbourne Open.
Sa kabila nito, tuloy ang ratsada ni Eala sa kanyang clay court campaign kung saan susunod siyang sasabak sa main draw ng Stuttgart Open, isang WTA 500 event. Samantala, abante naman si Ostapenko sa quarterfinals para harapin si Elena-Gabriela Ruse ng Romania.










