--Ads--

CAUAYAN CITY- Matagumpay na naiahon ng mga kawani ng Mahatao Fire Station sa Batanes ang lumubog na bangkang pangisda na MV Mayumi Sea habang naka-angkla ito sa Mahatao Boat Shelter noong Hulyo 9, 2025.

Ayon kay Fire Supt. Franklin Tabingo, Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection–Batanes, ang nasabing bangka na pag-aari ng isang Cyrus Malupa ay lumubog dahil sa umano’y maraming butas sa katawan nito at kakulangan ng wastong maintenance mula sa caretaker.

Hinila ang sasakyang pandagat patungong pampang ng mga tauhan ng BFP Mahatao sa pamumuno ni SFO2 Ronald Balbuena, katuwang ang mga sundalo ng Philippine Army, Philippine Marines, Philippine Coast Guard, PDRRMC-Batanes, at pamahalaang panlalawigan.

Nagpakita rin ng bayanihan ang mga lokal na mangingisda at residente sa lugar upang maiahon ang bangka gamit ang crane truck ng provincial government.

--Ads--

Sa ngayon, nailipat na sa mas ligtas na lokasyon ang nasabing bangkang pangisda.