CAUAYAN CITY– dalawang beses na biktima ng aksidente ang isang lalaki na nagresulta ng kanyang kamatayan sa Ilagan City
Ang biktima ay si Pedro Tamba, nasa tamang edad, may asawa habang ang tsuper ng Tricycle na kanyang sinakyan ay si Rene Bartolome, tatlumpot limang taong gulang, may asawa, kapwa mga residente ng barangay Minanga, Tumauini.
Ang mga suspek ay ang tsuper ng SUV na si Manuel Tabing, 46 anyos, residente ng barangay Bayabo, Delfin Albano at ang tsuper ng van na si Larry bartolome, 39 anyos, may asawa at residente ng Alibagu, Ilagan City.
Batay sa pagsisiyasat ng Ilagan City Police Station, binabagtas umano ng tricycle at SUV ang pambansang lansangan na bahagi ng San Ignacio, Ilagan City patungo sa City Proper habang binabagtas din ng van ang naturang lansangan sa kasalungat na direksyon.
Inunahan umano ng SUV ang tricycle sa kanang bahagi ng lansangan subalit natamaan umano ng likurang parte ng SUV ang harapang parte ng tricycle dahilan para matumba tricycle at gumulong ang sakay nito patungo sa kabilang linya ng lansangan.
Kung saan paparating ang van at nasagasaan ang nakahandusay na biktima na nagresulta ng pagkakatamo nito ng malalang sugat.
Agad dinala sa pagamutan ang biktima subalit ideneklara itong dead on arival.
Dinala sa himpilan ng PNP Ilagan City ang mga tsuper ng dalawang sasakyan na nakaaksidente sa biktima.




