--Ads--

Nagpahayag ng pangamba ang Bureau of Immigration (BI) sa pagdami ng mga kaso ng human trafficking na kinasasangkutan ng mga kabataan.

Ito ay kasunod ng pagkakasagip sa isang babae na nagtangkang bumiyahe patungong Riyadh, Saudi Arabia upang magtrabaho bilang domestic worker.

Batay sa ulat ng BI, una umanong sinabi ng babae na siya ay 24 taong gulang—edad na kwalipikado para sa deployment bilang domestic worker sa ibang bansa. Gayunman, dahil sa hindi magkakatugmang sagot nito sa panayam, naghinala ang mga opisyal ng Immigration hanggang sa mabunyag na 21 taong gulang pa lamang siya.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, karaniwang taktika ng mga sindikato ang sanayin ang kanilang mga biktima na magsinungaling tungkol sa personal na detalye upang makalusot sa proseso ng pag-alis ng bansa.

--Ads--

Dagdag pa niya, nakababahala na maging ang mga kabataan at menor de edad ay tinatarget ng mga trafficking syndicate.

Tiniyak naman ng BI na lalo pa nilang palalakasin ang kanilang mga hakbang upang matukoy at mapigilan ang mga tangkang human trafficking, at upang mapanagot ang mga sangkot sa ilegal na gawain.