CAUAYAN CITY – Nakatakdang magsagawa ng inspection ang City Agriculture Office sa mga fishpond sa Cauayan City.
Ito ay may kaugnayan sa naitatalang fishkill o pagkamatay ng mga isda dulot ng matinding init ng panahon na nararanasan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni City Agriculturist Rufino Arcega na wala pang naipaparating sa kanyang tanggapan kung gaano na kadami ang mga namamatay na isda sa Cauayan City.
Gayunman ipag-uutos niya sa city fishery coordinator na mag-ikot sa buong Cauayan City upang alamin ang mga apektadong fishpond.
Nauna nang napabalita na isa si G. Jerry Calacien ng Daburab, Cauayan City na may-ari ng fishpond ay apektado ng fishkill dahil sa mainit na lagay ng panahon.
Lubos anya ang kanyang pangamba dahil may naitatalang paisa isang fish kill sa kanyang fishpond dahil noong nakaraang taon na mainit din ang panahon ay naranasan na niyang umabot sa mahigit 30 kilos na isda ang namatay sa loob lamang ng isang araw.




