--Ads--

CAUAYAN CITY – Nakilala na ang dalawa sa 3 miyembro ng New People’s Army (NPA) na napatay sa naganap na bakbakan kahapon ng tanghali sa pagitan nila at mga miyembro ng 95th Infantry Battalion, Philippine Army sa Barangay Rang-ayan, Lunsod ng Ilagan.

Ang bangkay ng mga rebelde ay dinala ng militar sa isang punerarya sa Lunsod ng Ilagan.

Wala pang nagtutungong kamag-anak sa punerarya para kunin ang kanilang mga bangkay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kinilala ni Army Major Noriel Tayaban, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ang dalawa sa tatlong napatay na sina Ka Princess na isang lalaki, team leader at medical officer habang ang isa ay squad leader at ang ikatlo hindi pa nakilala.

--Ads--

Ang dalawa ay nakilala sa tulong ng mga sumuko na tatlo at mga naunang sumukong NPA.

Sa naunang naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Brig. Gen. Laurence Mina, Commanding Officer ng 502nd Infantry Brigade, Philippine Army ay kinilala niya ang 3 sumuko na NPA na sina alyas  Ka Alvin, team leader, Ka Leslie na supplier officer at Ka Jimboy na isang menor de edad.

Aniya, nakuha ng mga sundalo ang bangkay ng tatlong namatay na rebelde matapos na iwan ng kanilang mga kasama.

Ang tatlong sumuko at bangkay ng 3 napatay ay nadala sa 5th Infantry Division Philippine Army sa Camp Melchor dela Cruz sa Gamu, Isabela sa pamamagitan ng pag-airlift ng Tactical Operations Group 2 (TOG2) ng Philippine Airforce (PAF).

Una rito ay may nakatanggap ng sumbong ang militar tungkol sa presensiya ng mga NPA sa nasabing barangay na agad nilang tinugunan na nagresulta ng 15 na minuto na bakbakan.

Ayon kay Brig. Gen. Mina, nasa 30 miyembro ng pinagsanib na grupo ni Ka Brad ng Regonal Sentro de Gravidad (RSDG) at Ka Bang ng Central Front ang nakasagupa ng mga sundalo.

Batay aniya sa pahayag ng tatlong sumukong NPA, nagsanib ang dalawang grupo dahil kaunti na lamang ang kanilang bilang.

Ang RSDG umano ay nasa 30 na lamang habang ang Central Front ay hindi na aabot ng 20.

Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang M16 rifle at tatlong Caliber 45 pistol.

Samantala, nagsagawa ang Tactical Operations Group 2 (TOG2) ng air support at nagdala ng karagdagang tropa ng militar sa lugar habang naglatag ang Philippine National Police (PNP) ng checkpoint sa Rang-ayan, City of Ilagan.