--Ads--

CAUAYAN CITY – Puno ng emosyon at dalamhati ang paghahatid sa huling hantungan bago mag-alas dose ng tanghali sa napaslang na si P/Chief Inspector Michael Angelo Tubania, hepe ng Mallig Police Station sa Mallig, Isabela.

Bilang tradisyon ay binigyan ng 21-gun salute ang napatay na opisyal ng PNP.

Samantala, bago dinala ang mga labi ni Tubania sa Ilagan City Memorial Park ay nagkaroon muna ng seremonya sa function room ng Isabela Provincial Headquarters ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) at nagbigay ng mensahe si P/Sr. Supt. Mariano Rodriguez, provincial director, ilang hepe ng pulisya at mga kaklase sa Philippine National Police Academy (PNPA) Class 2011.

Inalala nila ang kabutihang loob, sigasig at dedikasyon sa trabaho ni Tubania.

--Ads--

Nagsalita rin ang ama ng opisyal na si Ginoong Josue Tubania na nagpasalamat sa buong suporta ng PNP at sa mga nakiramay at nakilibing mula sa ibat ibang sektor.

Kinuwestiyon niya ang maluwag na pagkakaroon ng baril na walang lisensiya tulad ng ginamit ng dalawang suspek na taga-Kalinga sa pagpabaril at pagpatay sa kanyang anak.

Pinuna rin ni Ginoong tubania ang kawalan ng presensiya ng mga taga-Commission on Human Rights (CHR) na walang pagkilos kapag pulis ang napapatay.

Nagkaroon din ng parade sa loob ng IPPO bago dinala sa Ilagan City Memorial Park ang kanyang mga labi.

Samantala, sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Sr. Inspector Joel Bumanglag, hepe ng Benito Soliven Police Station na kabilang sa mga hepe ng pulisya na duimalo sa libing ng Tubania, sinabi niya na tahimik lamang si Tubania ngunit hinahangaan nila ang kanyang dedikasyon sa trabaho.

Karamihan sa mga nakilibing lalo na ang mga kamag-anak ni Chief Inspector Tubania ay nakasuot ng puting t-shirt na may larawan ng opisyal at may nakasulat ang 2 Timothy chapter 4:7 ” I have fought the good fight, I have finished the race, I have kept the Faith”.