--Ads--

CAUAYAN CITY – Dumating na sa lungsod ng Ilagan ang mga atleta ng National Team maging ng mga dayuhang delegado na lalahok sa Philippine Athletics Championships na magsisimula ngayong araw hanggang ikadalawampu’t anim ngayong Marso.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Paul Bacungan, tagapagsalita ng pamahalaang Lunsod ng Ilagan na ang Foreign Delegates ng Vietnam Thailand, Indonesia at Brunei ay dumating na at kasalukuyang nasa kani-kanilang billeting Centers.

Inaasahan namang darating ngayong araw ang iba pang mga dayuhang atleta.

Ang mga miyembro ng National Team na mula sa Lunsod ng Baguio, Ilocos at La-Union ay dumating na rin at nagsimulang nagwarm-up kahapon sa Sports Complex.

--Ads--

Nasa lunsod na rin ng ilagan si long jump queen Elma Muros-Posadas na siyang magdadala ng Sulo sa opening ng Philippine Athletics Championships.

Si Hocket delos Santos na silver medalist sa pole vault ay kasalukuyang nasa bansang Vietnam at inaasahang darating sa araw ng Huwebes.

Bago ang opening ceremony mamayang alas kuwatro ng Hapon ay magsisimula ang Master’s Competition at Paralympics.

Ang Special events para sa mga Master’s Competition ay ang discuss throw, javelin, shotput, at 100-meter dash.

Tiniyak ni Ginoong Bacungan na handang-handa na ang lahat para sa opening ng Philippine Athletics Championships.

May pitong bansang kalahok sa Philippine Athletics Championships na kinabibilangan ng Pilipinas, Malaysia, Brunei, Thailand, Indonesia, Vietnam at Iraq.

Inaasahan namang maglalaro ang mga Pinoy superstar players na sina World Number 3 pole vaulter Ej Obiena, William Morrison III ng shotput at lahat ng medalist sa nakalipas ng Sea Games sa Vietnam.