CAUAYAN CITY – Itinuturing ng City of Ilagan Schools Division Office ng Kagawaran ng Edukasyon o DepEd na magandang karanasan na makasalamuha ang mga atleta ng walong bansa sa Timog Silangang Asya na kalahok sa 12th South East Asia Youth Athletics Championships sa Lunsod ng Ilagan, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Denison Domingo na nagtayo sila ng K-12 Educational Village na nagpapakita na ang Ilagan District at DedEd region 2 ay handang-handa para sa 8-ASIAN Integration.
Lahat ng delegasyon ng Malaysia, Singapore, Timor Leste, Thailand, Vietnam, Indonesia, Brunei Darussalam ay nakadalaw na sa itinayong K-12 Educational Village.
Natunghayan nila dito ang tuluy-tuloy na pagsasayaw sa ilang native dance.
Makikita rin sa village ang Balay na Ibanag at Balay na Agta ang mga pagkaing katutubo.
Pinuri ng mga dayuhang delegado ang native delicacy ng mga Ibanag tulad ng Inatata, isang uri ng suman at Binallay na giniling na malagkit na binalot ng saging at may sawsawan na gawa sa latik ng niyog at molasses.
Nagtatanong din sila kung paano niluluto.
Sinabi ni Dr. Domingo na magpaluluto sila ng mga Inatata at Binallaypara ipabaon sa mga dayuhang delegado sa kanilang pag-uwi sa kani-kanilang bansa bukas.
Ayon kay Dr. Domingo, hindi niya makakalimutan sa pakikisalamuha niya sa mga atletang nagtungo sa K-12 Educational Village ay ang kanilang pagiging magalang.
Hirap sa pagsasalita ng English ang mga dayuhang atleta ngunit madaling makisalamuha sa kanila dahil may pagkakapareho ang kultura ng Pilipinas sa mga bansa sa Asya.